Sobrang dalas ko nang naririnig yan sa iba’t ibang kakilala ko. Weirdo daw ang mga opinyon ko at mga pananaw sa mga diskusyon at usapin tungkol sa sari-saring issue. Maraming pagkakataon daw na weirdo ang mga kinikilos ko sa harap ng maraming tao—halimbawa, sa loob ng simbahan habang nagmimisa hindi ako nakikisabay sa pagdarasal o sa pangungurus. Kapag nalalaman ng ibang tao ang mga uri ng mga binabasa kong libro, o kaya ang mga pelikula at programa sa telebisyon na pinapanood ko, o kaya naman ang mga kanta at iba pang klase ng music na pinapakinggan ko, mabilis nilang nasasabing weirdo ang panlasa ko sa mga ito. At kapag ikwento ko sa iba ang mga kabanata ng buhay ko mula sa aking sanggol na edad hanggang sa kasalukuyang malapit na akong mag 35 years old, nakakarinig pa rin ako ng mga nagsasabi na weirdo ang daan na tinatahak ng buhay ko, at baka maging weirdo din ang kahinatnan nito.
Ako ang unang aamin na tunay ngang comedy yung paulit-ulit pagsabihan ang isang tao na weirdo ang mga katangian niya. Hindi ko mapigilang tumawa kapag mangyari ang ganun sa ibang nilalang. Kaya tuloy, pati sarili ko madalas kong pagtawanan kapag mayroon na namang magsabing weirdo ako. Sa palagay ko, oo, medyo weirdo din siguro yung matawa sa sarili, pero mas okey pa ang hindi masyadong seryosohin ang maraming bagay kesa sa maging pikon at magpalalim ng mga kulubot sa sariling noo. Hindi na nga ako pogi, bakit pa ba ako sisimangot kung lalo lang mawawala sa ayos ang pagmumukha ko.
Isa pang dahilan kaya hindi ako napipikon ay kasi may katotohanan naman ang marami sa mga obserbasyon tungkol sa akin.
Malapit na akong mag 35 years old pero wala pa akong asawa. Kadalasan kapag ganun ang lalake ang unang naiisip ng ibang tao ay baka bakla siya o kaya pari. Madalas nga akong tinatanong kung bakla ba ako kasi hindi naman ako pari. Lagi kong sinasabi na hindi naman din ako bakla. Hindi kayo madalas maka engkwentro ng lalakeng katulad ko na umabot na ng tatlong dekada ang buhay at hindi pa nag-aasawa—pero hindi ako nag-iisa. Ang presidente mismo ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon ng pagsusulat ko ng blog na ito ay lalake at wala pang asawa. At mas matanda pa sa akin yun. Ang ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal ay umabot din sa gulang na 33 na walang asawa. May mga magsasabing kinasal daw siya kay Josephine Bracken nung mga ilang araw bago siya ipinabaril ng mga Kastila sa Bagumbayan—pero hindi pa ito napapatunayan ng kahit anong dokumento o kasulatan. Maraming babaeng naka-relasyon si Rizal at napakarami niyang naging oportunidad para magpakasal, pero hindi pa rin niya ginawa. Hindi ako nag-iisa, kahit pa kakaunti lang ang mga katulad ko. At hindi sila puro mga bayani o presidente. May ibang prioridad lang sila sa buhay bukod sa pag buo ng pamilya.
Kahit pa ilang mga tao ang magsabi sa akin na ang pagkakaroon ng asawa ay isa sa pinakamahalagang parte ng buhay, hindi pa rin ako masyadong kumbinsido. Marami na akong napagmamasdang mga mag-asawa na dahil sa lalim ng pagkabaon sa mga problema at hinanakit sa isa’t isa ay masasabing lubusang nagkamali ng desisyong magsama nang matagalan. Mapatingin man ako sa kaliwa o sa kanan, nandyan lang sa mga kalapit bahay yung mga mag-asawang nagsisigawan halos gabi-gabi, yung mga nangangaliwa sa isa’t isa, yung mga hindi marunong gumanap sa kanilang mga responsibilidad at sumosobra ang panahong inaalay sa trabaho o sa lakwatsa imbes na bigyang-pansin ang mga pangangailangan ng kapares.
Hindi pa saklaw ng mga nabanggit ko ang lahat ng mga sitwasyon na pwedeng pumagitna sa mga mag-asawa at sumira sa pagsasama nila; marami pang samu’t saring mga posibleng problema ang nandyan lang at naghihintay na biglang lumitaw para gumawa ng mas kumplikadong kaguluhan. Kaya madalas napapatanong ako sa sarili ko: bakit ba milyon-milyong tao ang napakabilis mangako na magtaguyod ng sinasabing “pagsasanib ng dalawang puso’t damdamin” (na may musika pang humuhuni sa background) hanggang sa katapusan ng buhay—pero hindi rin naman tutuparin ang pangako? Mabilis uminit ang dugo ng karamihan sa mga pulitiko na tumatalikod sa mga pangako nila pagkatapos nilang kunin ang tiwala at mga boto natin, pero kahit pa man ganun ay nagagawa pa rin ng iba na sila mismo ang tumalikod sa mga pangako nila sa harap ng altar. Para sa akin weirdo yun. Maaaring isang araw ay mag asawa nga ako; pero pwede namang ipagpaliban yun. Ang importante sa akin ay hindi ako magiging sinungaling.
Hanggang ngayon ay wala pa akong anak. Halos lahat ng mga malapit kong kamag-anak—mga kapatid, pinsan, pangalawang pinsan, kasama na yung iba kong pamangkin—, kahit pa yung mga mas bata pa sa akin, meron nang mga panganay, at yung iba meron na ring mga bunso. Hindi ko sasabihing nagkamali sila ng desisyon, pero hindi ko din sasabihin na naiinggit ako sa kalagayan nila. Malaking responsibilidad ang mag-alaga ng supling, at kahanga-hanga naman ang tao kung akuin ang responsibilidad na ganito.
May napapansin lang ako sa mga taong nagkaka-anak. Dahil sa malawak na sakop ng mga obligasyon nila sa mga anak, nagkukulang sila ng panahon na magbigay tulong sa ibang mga tao na hindi man kasama sa kanilang pamilya ay nangangailangan pa rin kahit kaunting saklolo at suporta. Maaaring merong sumalungat dito sa sinabi kong ito, pero kung titingnan lang kahit ang mga Pinoy—di bale nang isa-alang-alang pa ang mga ibang lahi—, ma-o-obserbahan pa nga na ang mga magulang mismo ay nahihirapan pang i-angat ang estado ng sarili nilang mga pamilya. Paano nga ba naman makakakilos para sa kapakanan ng mga nasa labas ng bahay kung kulang na kulang ang biyaya sa loob? May mga magsasabi na dapat ang kapakanan ng sarili lamang ang isipin at isawalang-bahala na ang iba, at napakaraming kaisipan ang tumatalima sa ganoong pamumuhay. Pero mahirap mang maipaliwanag sa paraang madaling maintindihan, may mga tao din na hindi ganito ang alituntunin at prinsipyo. May mga indibidwal na nagagawang unahin ang kapakanan ng iba bago ang sarili.
Nakakaisip ako ng dalawang kaso kung saan ang pagkawala ng anak ang nagpasibol ng motibasyong tumulong sa iba. Minsan sa aking nakaraang trabaho bilang peryodiko, may na-interbyu ako na Grand Chancellor ng isang sikat na unibersidad. Siya ay nagtayo ng hospisyo para sa mga pasyente ng kanser na may taning na ang buhay. Mura lang ang serbisyo ng hospisyo na ito, at ang kadalasang pinagkakalooban ng mga pasilidad nila ay mga pasyenteng dukha. Ayon sa pilosopiya ng hospisyo, ang bawa’t tao ay may karapatang harapin ang sariling pagpanaw sa paraang may dignidad, matiwasay, at respetable.
Halos lahat ng mga pasyente sa hospisyo ay nasa huling mga sandali nang kanilang buhay, at nasa puntong hindi na mapipigilan ang pagkalat ng kanser sa katawan nila. Hindi man sila magawaran pa ng mas mahabang buhay, kumikilos ang mga mediko ng hospisyo upang siguraduhin na ang mga taon, buwan, linggo, o araw na papalapit sa pagpanaw ng pasyente ay panahon na katanggap-tanggap at maalinsangan para sa pasyente at para sa mga minamahal nito. Kadalasan, ang mga may kanser ay nakakaranas ng sari-saring pisikal na kirot at sakit na mahirap tiisin, at maaaring magpatuloy ang pag-atake ng mga karamdamang ganito nang matagalan.
Nakakabawas sa dignidad ng isang pasyente ang palagiang biktimahin ng mga simtomas ng sakit at pangingirot, kaya hangga’t maaari ay binibigyang-lunas ng mga tauhan sa hospisyo ang mga pangingirot na ito sa pamamamagitan ng mga ligtas na parmasyotiko. Kapag napapanatiling banaag ang pisikal na karamdaman ng pasyente, lalong naiibsan ang lungkot at depresyon nito sa sariling kundisyon, at nakakatulong ang kagaangang ito para maisaayos ng pasyente ang mga gawain niyang pang-araw-araw kahit pa hindi na mapipigilan ang kanyang pagpanaw.
Tumutulong ang hospisyo na ilagay sa mabuti ang mga aspetong pangkabuhayan ng pasyente habang may panahon pa. Kadalasan ay humihiling ng oportunidad ang mga pasyente na makapag-paalam nang maayos sa mga minamahal sa buhay, at kasama nito ay makapag-iwan ng mga huling tagubilin sa mga kamag-anak. Ayon sa Grand Chancellor, ang pagkakataon na makapagpaalam nang matiwasay ay nakakatulong nang malaki upang maging katanggap-tanggap sa pasyente at sa mga mahal niya sa buhay ang nalalabing paglisan ng pasyente. Maraming mga pamilya ang lalong napagbuklod dahil sa mga maayos at mataimtim na pamamaalam ng mga pasyente, at marami ring mga nakalipas na hinanakit at sama ng loob ang napatahimik.
Inilunsad ng Grand Chancellor ang hospisyo sa paniniwalang kakaunti lamang ang mga pasilidad sa Pilipinas na nagbibigay ng ganitong uri ng serbisyo at tulong sa mga taong may taning na ang buhay. Kahit ang mga ospital na mamahalin ay nagkukulang sa masusing pag gabay sa mga pasyente na pumanaw ng may mataas na antas ng dignidad. Alam niya ito nang ganap kasi ang sarili niyang anak ay namatay sa loob ng isang mamahaling ospital. Ang anak niyang babae ay nagkaroon ng “osteosarcoma”, o kanser sa buto—isang uri ng kanser kung saan ang pasyente ay nakakaranas ng pananakit ng katawan at kalamnan na sobrang lubha at kalunos-lunos na hindi daw imposibleng masiraan ng bait ang maysakit dahil lang sa pisikal na simtomas. Ang Grand Chancellor mismo ay naging saksi sa unti-unting pagwasak ng osteosarcoma sa katawan at isipan ng kanyang babaeng anak.
Hindi pa naglaon at pumanaw din ang anak niyang babae. Ang pagtangay ng isang taong malapit sa kanyang damdamin ang nagpukaw ng kanyang simpatiya para sa ibang mga taong nagdurusa sa ilalim ng kahalintulad na kalagayan, mga taong sa isipan niya ay nangangailangan ng suporta, gabay, at tulong. Ang pagbuo niya ng hospisyo ang nagsilbing bantayog ng pagsasapatupad at pagkilos ng kanyang simpatiya. Sa kasalukuyan ay hindi pa rin humuhupa ang kanyang determinasyon na pag-ibayuhin pa ang mga serbisyo ng hospisyo, at makatulong pa sa mas higit na nakararaming nangangailangan. Bagama’t hanggang ngayon ay hindi mawawala ang bakas ng lungkot sa mga mata ng Grand Chancellor tuwing binabanggit niya ang kanyang anak na babae, halatang malaking kaginhawahan din ang nararamdaman niya sa patuloy na operasyon ng hospisyo, dahil paulit-ulit nitong pinadadama sa kanya na hindi nauwi sa walang katuturan ang pagpanaw ng kanyang anak—bagkus ay naging punla pa ito ng marangal na adhikain.
Bukod sa butihing Grand Chancellor, marami pa akong nabalitaang mga indibidwal na nawalan muna ng anak bago namulat ang mga mata sa mas malawak na pananaw, at tsaka lang naliwanagan sa kalagayan ng mas nakararami sa paligid.
Isa pa yung mag-asawang turista na tubong Germany, na nagkataon ay tangan ang kanilang kaisa-isang sanggol na babae nung Disyembre 26, 2004 sa isang beach sa Indonesia. Sa mga hindi nakaka-alala, sa araw na iyon naganap ang tsunami sa Indian Ocean, ang napakapait na trahedyang pumatay ng daanlibong katao sa mga magkakalapit-bansa ng Indonesia, Thailand, at Sri Lanka. Ang tinutukoy ditong mag-asawa ay inanod ng tsunami at hinablot ng tubig-dagat ang kanilang babaeng anak.
Kinailangan nila ng mahabang panahon para maka-ahon muli sa kalungkutan nila, pero sa kabutihang-palad ay nagawa nila ito. Dahil sa pagkawala ng anak, natuon ang atensyon nila sa pagdurusa ng ibang mga pamilyang mas malubha pa ang sinapit—mga pamilyang higit pa sa isang anak ang nasawi, at nawalan pati ng mga bahay, ari-arian, at mga kamag-anak. Nagpasyang magtayo ng isang Foundation ang mag-asawa na hanggang sa kasalukuyan ay nangangalap ng pinansiyal at materyal na tulong para sa karamihan ng mga biktima ng tsunami.
May iba pang mga istoryang pwedeng ikwento na magkakatulad ang pinatunguhan—ang pagkawala ng anak, labis mang nakakalungkot, ang naging ugat ng pagtugon sa pangangailangan ng mas maraming tao. Madalas tuloy napapatanong ako sa sarili ko: kung sakali kayang hindi binawian ng buhay ang mga anak ng mga taong nabanggit sa itaas, magagawa pa kaya nilang ituon ang atensyon sa iba? Ako ang unang aamin na ang ganitong katanungan ay weirdo, at bukod sa ganun ay napakahirap pang sagutin—kaya’t kahit ako mismo ay hindi na magbibigay ng sagot. Ang pagkawala ng anak sa trahedya o sakit ay sinasabing kilos ng Maykapal, at anuman ang maging bunga ay pihong kaalinsunod sa banal na kagustuhan. Pwede din kayang maging sang-ayon sa balak ng Maykapal na lumikha ng motibasyon sa ilang tao na mag-uudyok sa kanilang diretso nang tumulong sa iba kahit pa hindi na magkaroon (o mawalan) ng sariling anak? Sa palagay ko pwede, pero hindi karaniwan. At kung makikita ito sa mga katulad kong hindi naman bakla o pari, baka nga weirdo ang impresyon sa ibang tao.
Pero di ko din mapigilang ma-weirdohan sa kinikilos ng marami pang ibang tao diyan na may anak. Sa totoo lang, ilang daang libong kwento na ang nababatid nating lahat tungkol sa mga kapabayaan sa anak. May mga batang binubugbog, nire-rape, hinahayaang magutom at mamalimos sa kalye, ipinag-ta-trabaho ng mga magulang kahit nasa murang edad pa, pinagkakanuluan ng wastong gabay…hindi na natatapos ang listahan ng katakut-takot na abuso na ginagawa sa milyun-milyong mga bata, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Dahil sa talamak na ang nakikita nating mga karahasan sa mga bata, madaling mawala sa isipan natin na ang ganitong uri ng abuso ay walang lugar sa tinuturing na “sibilisadong” komunidad. Nariyan ang mga kapitbahay na walang pakundangang minamaltrato ang mga supling, mahirap man sila o mayaman (oo, kahit mga pamilyang mayayaman ay pwedeng-pwede ring magkasala sa mga anak sa napakaraming paraan), pero ang laganap na mga pangyayaring ito ay hindi umuungkat ng malalim na pagkabagabag sa atin. Oo, madali ngang sabihin na ang pagkitil ng buhay ng tao ay krimeng nakaririmarim, pero ang paninira ng kinabukasan ay isa ring uri ng kasalanang malubha, at maaari pa ngang maging kasing-sakim.
Tuwing nakikita ko ang pagdurusa ng mga bata at sanggol, madalas akong napapahiling sa kung anumang Kapangyarihan ang nandyan na sana’y mas marami pa sana ang naging katulad ko na hindi na lang muna sumabak agad sa pagkakaroon ng anak. Kung sa palagay ng marami ay weirdo ako, para sa akin mas weirdo pa rin yung magsilang ng panibagong buhay tapos agad-agaran namang tatalikuran ang mga responsibilidad na hinihingi ng ganung desisyon.
Ang ka-weirdohan ko (daw) ay hindi lang nagiging pokus ng katatawanan. May mga panahon pang nagiging sanhi ito ng galit. Di ko man sinasadya, hindi ko mapigilang sumayad sa mga sensitibong paniniwala at pamantayan kapag minsang nagkakaroon ng malayang diskurso, o palitang-kuro-kuro. Maraming beses na akong hinamak at kinutya. Sinusubukan ko namang laging manatiling mahinahon kahit pa ganoon ang pagtanggap sa mga patalastas ko. Pero madalas din akong nagtataka kung nararapat nga ba talagang itakwil nang mariin sa mga diskusyon ang mga nasa isipan ko.
Isa na sa mga kadalasang salungatin ng iba sa akin ay ang pananaw ko na kasama sa mga pangunahing responsibilidad ng bawa’t isang Pinoy ay ang palagiang pagpunyagi upang gawing progresibo at tanyag ang bansang Pilipinas; na dapat ipagpatuloy ito ng lahat nang walang-sawa upang isang araw ay lampasan pa ng Pilipinas ang mga ibang bansa at tuluyan tayong maging isa sa mga nasyon na gaganap ng malaking katungkulan sa mundo.
Kung humahanga ang karamihan sa atin sa United States o sa Japan (kaunti pa lang kasi sa aking mga kapwa-Pilipino ang nagsisimulang humanga sa China at India) dahil sa pangunguna nila sa ekonomiya, siyensiya, teknolohiya, sports, antas ng pamumuhay ng mga mamamayan nila, at marami pang ibang larangan, dapat abutin din natin ang ganoong estado, at kung maaari pa nga ay lampasan pa ito.
May mga sumasang-ayon sa akin, pero kung ilan man silang ganito, kasingdami din nila—o maaaring mas marami pa—ang mga nagagalit sa konsepto. Ang aking mga salita ay binabara o di kaya ay pilit binubusalan—at minsan pa nga ay inilalarawan bilang hindi-tuwid na pag-iisip, na parang dapat ipatapon na ako sa ospital ng mga sira-ulo. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sinabihan na huwag nang umasang magkakaroon pa ng positibong pagbabago sa Pilipinas kahit pa sa darating na panahon. Ayaw ko nang bilangin kung ilang beses ko na narinig ang mga salitang “wala nang pag-asa/kinabukasan/magandang mangyayari sa Pilipinas”.
Lungkot na lungkot ako sa dami ng mga sarili kong kababayan na binulag ng paniniwala na ang lupang tinubuan ay di na dapat pag-alayan ng kahit anong pagsisikap upang ma-i-angat ang katayuan nito. Lumilitaw pa nga na mas uso pa ngayon ang pumalaot na lamang sa ibang bansa, at doon magtaguyod ng pamilya at pamumuhay.
Oo, hindi naman ako tatanggi na ang Pilipinas ay isa sa mga dukhang bansa sa mundo, na ang karamihan ng mga Pilipino ay hindi tumatamasa ng maayos na kalidad ng pamumuhay, na ang gobyerno ay sadlak pa rin sa korapsyon at kabaluktutan, na sobrang baba ng antas ng kabuhayan natin kumpara sa ibang mga nasyon kung saan mas maraming oportunidad para magkaroon ng maginhawang buhay. Pero para sa akin hindi iyon mga sapat na dahilan para hindi ayusin at ituwid ang katayuan ng bansa.
Maraming mga Pilipino ang nagmamayabang na epektibo ang diskarte ng lahi natin pagdating sa iba’t ibang mga bagay. Kahit pinaglumaan na ang isang cellphone at may mga sira, pwede pa itong ayusin ng mga Pinoy at pagandahin. May radyo, CD player, o kahit kotse na hindi na maganda ang andar; kinakalikot pa rin natin ito at pinapagana nang parang bago. Ang jeepney daw mismo ay dating sasakyan ng U.S. military nung World War II, at dahil sa diskarte ng Pinoy, nagawa pa itong i-kumbert at gawing sasakyang pampasahero. Sa isang salita, tayong mga Pinoy daw ay maparaan. At ako ay naniniwala nang lubusan dito.
Kaya lang, kung susuriin ang naging kasaysayan natin bilang isang nasyon, ang pagka maparaanin ng Pinoy ay hindi napapatupad para sa pag-ayos ng sarili nating lipunan. At bakit? Sa palagay ko ay hindi kasi tinuro sa atin nang husto ang pagpapahalaga sa sariling bayan eh. Dapat bang ituro ang pagmamahal sa sariling bayan? Aba, oo! Eh yung pagmamahal nga sa Diyos eh tinuturo sa atin palagi simula nung pagkasilang natin eh. Sa palagay ba ng nakararami diyang Pinoy, kapag hindi itinuro sa atin at idinutdot sa utak ang palagiang pagdarasal at pagsimba, eh magagawa pa din natin lagi? Kulang ang pagtuturo sa atin tungkol sa pagpaparangal at pag-alaga sa lupang tinubuan nating lahat.
Nagkamali nang husto ang ilang henerasyon ng mga nakakatandang Pinoy sa larangang ito. Para sa maraming mga matatanda, basta mapalaki mo ang pamilya mo nang maayos at masabing makapag-enjoy ka sa buhay dahil may maganda kang trabaho at lagi kang nagsisimba at hindi lumalabag sa batas ng Diyos ay nagampanan mo na ang layunin ng buhay mo. Hindi masyadong binabanggit sa mga kabataang Pinoy na ang isa pang mahalagang tungkulin nila ay ang kumilos para sa ikabubuti ng bansa.
Ang ibang mga lahi na matatag ba ay tinuturuan ng ganito? Oo naman. Kahit ang mga Kastila, noong panahon na sila pa ang namumuno sa Pilipinas, tinuturuang payabungin ang bansang Espanya—kasabay ng pagtuturo sa kanila na maging mabubuting Katoliko. Ang mga Intsik tinuturuan ng ganyan. Pati na ang mga Hapon. Lalo na ang mga Amerikano, at kahit ang mga Australian (ayon sa sinabi sa akin ng mga nakilala ko dito sa Australia).
Sa Pilipinas, hindi pinagbibigyang-pansin sa edukasyon natin ang pagmamahal sa sariling bayan. Kaya ayan, kapag may nagsabing “Mahal ko ang Pilipinas”, ang litaw niya medyo weirdo. Sa Japan, hindi weirdo ang magsabing “Mahal ko ang Japan!”. Sayang, kasi kung masigasig lang sana ang naging pagturo sa ating mga Pinoy na ang pagpapahalaga sa Pilipinas ay kasama sa mga obligasyon natin, matagal na sigurong umayos ang pamumuhay sa Pilipinas. Biruin mo ba naman, magagamit natin ang diskarte natin at mga abilidad sa paghanap ng paraan para sa pag-unlad ng sariling bayan, hindi lang para sa mga lumang cellphone, mga computer, o sa pag-gamit ng internet.
At hindi naman tayo nagkukulang sa angking kagalingan. Banggitin lang si Manny Pacquiao eh, sasang-ayon ang lahat (kahit mga Pinoy na kriminal). Binago niya ang buong history ng boksing sa buong mundo. Pero bago pa lumitaw si Manny Pacquiao, nandiyan na din si Efren Reyes, na sinasabing pinakamagaling na manlalaro ng bilyar sa buong kasaysayan ng isport na iyon. Para siyang Tiger Woods o Michael Jordan ng bilyar. Isang Pilipino ang tinuturing na Diyos ng isport na bilyar!
Hindi lang sa dalawang isports na iyon naging katangi-tangi ang lahing Pinoy sa buong mundo. Nandiyan pa si Raymundo Punongbayan, ang dating Director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (o PHIVOLCS), na ginagalang ang karunungan sa iba’t ibang mga ahensiya ng Seismic Sciences sa buong mundo—kahit pa hindi ito alam ng karamihang Pinoy. Si F. Sionil Jose ay isang manunulat na ginagalang sa apat na sulok ng mundo dahil sa mga sinulat niyang mga nobela. Marami pang pwedeng banggitin na mga Pilipinong pinararangalan sa iba’t ibang bansa. Sila ay kasama sa mga gumagalaw at nagpapasulong sa buong mundo, hindi lamang sa Pilipinas.
Kung nagagawa nila ito sa mga larangan nila, hindi naman siguro malayong isipin na marami pang ibang mga Pinoy diyan na naghihintay lang ng oportunidad, tulong, at panghihimok para magpakitang-gilas sa iba pang mga disiplina.
Ganito ako mag-isip, at tinuturing akong weirdo ng maraming mga kapwa-Pinoy. Para sa kanila, ang maging katangi-tangi sa buong mundo ay para lamang sa mga Pinoy na lubhang kakaiba ang “swerte”. Para sa kanila, ang karaniwang Pinoy na pinanganak at pinalaki sa Pilipinas ay maliit lamang ang pag-asang mahanay sa pwesto ng mga dayuhang magagaling at nangunguna sa teknolohiya at siyensya, sa pangangalakal at komersiyo, o kaya sa iba pang mga gawaing nagpapagalaw sa buong mundo. Naniniwala daw sila nang malalim sa kapangyarihan ng Diyos, pero nahihirapan silang magkaroon ng pananampalataya sa ginawad na abilidad ng Diyos sa mga Pilipino.
Lalo pa akong binabara kapag sinabi kong malaki pa rin ang tsansa ng Pilipinas na maging kasing-progresibo at kasing-tatag ng mga bansang First World. Na hindi pa huli ang panahon para maging tulad tayo ng—halimbawa, Singapore. Maaaring isang araw, sa sariling bansa na natin pupunta ang mga dayuhan para maghanap ng trabaho. Baka imbes na probinsyanang Pinay ang gawin mong katulong sa bahay mo, taga-ibang bansa na ang kukunin mo. Baka ang kikitain mong pera sa isang taon ay maaari mo nang gamitin para dalhin ang buong pamilya mo sa Europe, o sa Japan. Baka sa darating na panahon hindi na tayo mahihirapang kumuha ng travelling visa sa mga pasaporte natin at pwede na tayong pumunta sa US, o sa Canada kahit wala tayong pinapakitang “show money”. Baka sa madadatnang Pilipinas ng mga apo mo, magiging tulad tayo ng Australia ngayon na dinadagsa ng iba’t ibang mga lahi galing sa lahat ng sulok ng mundong ibabaw. Kung tayo dati ang nagkukumahog na mag migrate sa ibang bansa para mamuhay doon, baka bumaliktad ang sitwasyon at tayo na ang pupuntahan ng karamihan.
Kung nagawa ng bansang Japan na umahon sa loob ng 20 na taon at maging pangalawang pinakamayamang bansa sa buong mundo—pagkatapos nilang pasabugan ng atomic na bomba nang dalawang beses—, pwede ring gawin ng Pilipinas yun. Gaano ba katagal ang 20 na taon? Di ba ganun din katagal naging presidente si Ferdinand Marcos? Parang mabilis ang panahong nagdaan habang presidente si Marcos, di ba? Hindi dapat maging isang malayong panaginip ang pag-ahon ng Pilipinas. Pwede itong abutin ng isang henerasyon. Pero ang ganitong pag-iisip ay tinuturing na weirdo.
Hindi weirdo para sa mga Amerikano sa US na mag-isip na ayusin ang kalagayan ng bansa nila pagkatapos silang hampasin ng matinding pagbagsak ng ekonomiya nila nung 2008. Hindi din weirdo para sa kanila na subukang bumangon pagkatapos nilang maranasang bungguin ng dalawang dambuhalang eroplano ang dalawang torre ng World Trade Center nila.
Hindi weirdo para sa mga taga India na pakilusin ang karamihan sa mga mamamayan nila para lalong paramihin ang mga Indian na nakakatamasa ng maginhawang buhay. Hindi weirdo para sa mga Intsik sa People’s Republic of China na maki-ayon sa mga reporma upang repasuhin ang ekonomiya ng bansa nila.
Pero pagdating sa Pilipinas, hindi uso yung isiping abutin natin ang pinakamagandang pwedeng makamtan natin bilang isang bansa.
Kahit ilan pa ang argumento na ibato laban sa mga prinsipyo ko, lalo lang akong nagiging masigasig sa pag depensa ng mga ito. Dahil na rin sa matibay kong pakikipagtunggali sa mga kumokontra sa akin, nasasabihan ako na ang mga panukala ko ay sobrang layo sa katotohanan. Ibabanggit sa akin ang napakaraming mga krisis at sakit-panlipunan na pumipigil sa pag-unlad ng bansa. At umaamin naman ako lagi na talaga namang napakalalim ng pagkabaon ng Pilipinas sa mga problema—kumbaga sa isang taong may sakit, dahil sa dami ng sintomas, mahirap nang sabihin kung makaka rekober pa ba ito. Pero mukhang hindi naniniwala ang mga katunggali ko sa kapangyarihang nakapaloob sa salitang pagbabago.
Ang paru-paro ay isang magandang halimbawa ng pagbabago. Batid natin na ang lahat ng mga paru-paro sa paligid ay nanggaling sa mga higad na madalas sinasabing nakakadiri dahil mga uod ito na kadalasan ay butlig-butlig ang buong katawan, at nababalot pa minsan sa malagkit na likido. Kapag pinagmasdan ang pagkamayumi ng lipad ng mga paru-paro, pati na ang likas na kagandahan ng disenyo ng mga pakpak nila, madaling ma-obserbahan na napakalayo nito sa pinanggalingang uod. Kung ang mga higad ay iniiwasan, ang mga paru-paro ay nilalapitan at hinahangaan. Ganito ka-epektibo ang angking milagro ng pagbabago.
Ang pagbabago ng bayang Pilipinas ay laging nandiyan at pwedeng abutin kahit anupamang krisis ang sumapit. Ang importante lamang ay magawa nating mga Pilipino ang pagsakripisyo at pakikipagsapalaran para sa sariling bansa, sa paraang katulad ng ginagawa nating sakripisyo at pakikipagsapalaran para sa mga sarili nating pamilya. Kung sabihin mang weirdo ang ganitong kaisipan, ako lamang ay nagtataka. Kasi ang mga kilala kong mga mamamayan ng ibang mga bansang progresibo (at samakatwid ay mas maganda ang pamumuhay) ay ganito mag-isip tungkol sa mga bansa nila. Siguro lahat sila mga weirdo tulad ko. Ewan ko. Pero sana lang mas dumami pa ang mga Pilipinong ganito din mag-isip.
May magsasabi pa diyan na wala na tayong kailangang baguhin sa pamumuhay nating mga Pinoy, na dapat lang ay ipagpatuloy ang kinagisnang tradisyon na unahin na lamang ang kapakanan ng sariling pamilya at idaan na lamang sa dasal at pagtalima sa relihiyon ang kapakanan ng bansa. Hindi ko na mabilang ang mga pagkakataon na narinig ko ang mga salitang, “Hayaan na nating ang Diyos ang bahalang gumalaw para sa Pilipinas”. At kapag nagsabi na ako ng opinyon ko tungkol diyan, lalu’t lalo pa akong sinasabihang weirdo. Kasi lagi ko daw sinasabi na ang maling interpretasyon ng katungkulan ng relihiyon sa Pilipinas ay isa sa mga dahilan ng hindi natin pag-unlad.
Importante ba ang relihiyon? Aba oo! Tanungin na lamang natin ang mga Hudyo. Ang bansang Israel ay nabuo dahil sa tawag ng relihiyon. Ang pagkakaisa ng mga Hudyo ay sinesemento ng kanilang relihiyon. Ang kanilang relihiyon ang isa sa mga sangkap kaya nila napapanatiling demokratiko at progresibo ang bansa nila. Kung tutuusin pa nga, may mga kakilala akong Kristiyano—kasama na ang ibang mga Pilipino—na namumuhay sa Israel na patuloy na nagagampanan ang mga katungkulan nila para sa Kristiyanismo.
Ngayon, isipin natin ang Saudi Arabia. Marami akong nababatid na mga opinyon na ang bansang ito ay sukdulang nakabaon sa makalumang interpretasyon ng relihiyong Muslim o Islam.
Kapag Kristiyano kang naninirahan sa Saudi Arabia, mahihirapan kang sumamba sa sarili mong pananampalataya. Kailangang sundan mo ang mga ritwal ng mga Muslim doon. Kumbaga, ang hindi tumatalima sa patakarang pang-relihiyon o klerikal ng Saudi Arabia ay mahihirapan nang hustong gumalaw ng may kalayaan sa mga araw-araw na gawain.
Marami akong mga Pilipinong kilala na hindi maganda ang opinyon sa pagpapatupad ng relihiyong Islam sa Saudi Arabia. Magugulat kayo, pero may mga kilala din akong mga Muslim mismo sa ibang bansa na nagsasabing masyadong mapanakal at makaluma ang interpretasyon ng relihiyon sa Saudi Arabia—mga Muslim mismo!
Kung susuriin nga naman kasi nang malalim ang pamumuhay ng mga bansa tulad ng Turkey, Egypt, o Pakistan—na puro mga Muslim din ang karamihan ng mamamayan—, mababatid na mas malaya kumilos ang mga nasa loob ng mga bansang ito kung ihahalintulad sa Saudi Arabia.
Kumbaga, merong “makalumang” interpretasyon ng pagiging Muslim, at merong “makabago”. Sa “makaluma”, mas kakaunti ang mga oportunidad na ginagawad sa mga kababaihan, mas mahigpit ang pagsupil sa paglabag sa mga tradisyon at ritwal. Sa “makabago”, ang uri ng pamumuhay ay hindi malayo sa karanasan ng mga lipunang may ibang relihiyon.
Kumbaga, kung ikumpara mo ang isang pamilyang tubong Pakistan o Egypt sa pamilyang Pinoy, mas marami kang makikitang pagkakapareho kesa sa pagkakaiba. Kung titingnan pa nga ang kasaysayan ng Pakistan, halos magkasabay ang bansang ito at ang Pilipinas na magkaroon ng pinunong babae (si Benazir Bhutto sa Pakistan at si Corazon Aquino sa Pilipinas)—isang bagay na hinding-hindi pa nangyari sa Saudi Arabia.
Marami sasang-ayon sa akin kapag sasabihin kong ang Saudi Arabia ay masyadong makaluma ang pananaw sa relihiyong Islam, at dahil sa ganitong interpretasyon ng relihiyon nila ay hindi nila naaabot ang tamang antas ng kaunlaran, kahit pa di-hamak namang mas mayaman pa sila sa Pilipinas.
Maraming mga Pinoy naman ang nagagalit sa akin kapag sinasabi kong ang interpretasyon ng relihiyon sa Pilipinas ay makaluma rin, at tulad ng nangyayari sa Saudi Arabia, ay nagiging hadlang ito sa pag-unlad, kahit pa hindi naman tayo namumugot ng ulo ng mga kriminal.
Kailan ba sinabi ng relihiyon sa ating mga Pinoy na dapat maging kahanay ng mga nangungunang bansa sa mundo ang Pilipinas? Kailan ba sinabi ng mga kleriko at mga pastor at pari na nasa sariling kamay ng mga Pilipino ang kapabilidad para gawing huwaran at modelo ang bansang Pilipinas para sa ibang mga nasyon, tulad ng pagiging huwaran at modelo ng United States sa atin ngayon? Kahit hindi ko kayo nakikita nang harap-harapan, alam kong maraming mga mambabasa ang matatawa sa ganitong tanong. Hindi naman yata ito dapat mangyari, at hindi naman yata ito nangyayari kahit sa ibang bansa. Pero kung ganito man ang inaakala ninyo, ang history mismo ng Espanya ay makapagpapatunay na kayo ay nagkakamali.
Bakit nga ba nilusob at sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas? Bakit nila sinakop ang Timog Amerika? Bakit ba nila sinubukang kamkamin ang iba’t-ibang lupain? Hindi lamang ito bunga ng pagsunod ng military nila sa utos ng kanilang Kamahal-Mahalang Hari o Reyna. Malaking bahagi din ng kanilang misyon ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko, kahit pa ito ay ipilit sa mga ibang lahi.
Samakatwid, ang mga naging Santo Papa mismo sa Vatican nung mga panahon na iyon ng pananakop ay nagbigay ng basbas sa Espanya mismo upang maging isang malawak na Empire. At bakit pa ba papayag ang Santo Papa sa ganitong kalakaran kung hindi ito kaalinsunod sa mga alituntunin ng relihiyong Katoliko?
Ang relihiyon mismo ng Espanya ay malaking bahagi ng kanilang pananakop sa iba’t ibang lupain, kasama na ang Pilipinas. At kung susuriin nang mabuti ang pamamalakad ng relihiyong Katoliko sa Espanya noon, makikita na ang interpretasyon ng Katoliko sa Espanya nung panahon ng Empire nila ay nag-udyok pa sa mga Kastila na maging lahi ng mga mananakop—upang maging isang lipunan na aktibong sumasali sa pamamalakad ng mundo. Kumbaga, kung iisiping isang bata sa isang classroom ang Espanya noon, isa siya doon sa mga estudyanteng nasa Top Ten.
Ngayon, ang interpretasyon ng relihiyon sa Pilipinas ay ang pagka-banal ng pagiging alipin. Alipin sa “swerte”. Alipin sa “malas”. Alipin sa sakuna, sa sakit, sa kalamidad, sa trahedya, sa problema, sa korapsyon. Hindi naituro ng relihiyon sa bansa natin na umangat tayo sa antas na maunlad at matuwid at maging kagalang-galang sa buong mundo.
Nagawa ba ito ng relihiyon sa ibang bansa? Aba oo. Nagawa ito ng relihiyon sa Israel. Nagagawa ito ng relihiyon sa Japan, kahit pa kalian lang ay binisita na naman sila ng mabigat na pagsubok dahil sa lindol at tsunami. At kahit sa mga bansang Muslim, nagagawa din ito ng relihiyon sa UAE at sa Turkey.
Ang tinuturo ng relihiyon sa ating mga Pinoy ay “ipagpasa-Diyos ang kinabukasan”. Dapat yata baguhin na iyon. Dapat siguro ang ituro na ay “binigay ng Diyos sa bawa’t isang Pinoy ang lahat ng mga oportunidad para mapabuti ang kabuhayan, at kailangan lang ay kumilos tayo para maabot yun”. Imbes na tayo ang maging alipin, mas maganda pa siguro na simulang isipin na tayo ang may hawak ng kapalaran natin.
Marami ba sa atin ang pwedeng maging Pacquiao? Kung hindi man maging pinakamagaling sa buong mundo sa boksing, eh di maging pinakamagaling sa buong mundo na imbentor? O pinakamagaling sa buong mundo na siyentipiko? O pinakamagaling sa buong mundo na inhinyero? O kahit software engineer? O mangangalakal? O doktor? Siguro dapat din gayahin mo ang prinsipyo ni Pacquiao. Maniwala ka sa Diyos, pero gawin mo din ang pakikipagsapalaran at sipagin ang pag-hasa sa iyong mga abilidad. Siguro kung ganito ang ituro sa atin sa araw-araw, matagal nang nabawasan ang pangangailangan ng maraming mga propesyunal sa atin na pumunta pa sa Singapore o sa Hong Kong para maging domestic helper o trabahador.
Marami pa rin ang magsasabi na ang mga prinsipyo ko ay weirdo. Nakakalungkot pa rin, kasi ang mga prinsipyong ito ay nakikita ko ngayon sa kinaluluklukan ko sa Australia. Kung papalitan mo ng “Australia” at “Aussie” ang mga salitang “Pilipinas” at “Pinoy” dito sa blog na ito, baka maisip ninyo na hindi ito kaisipang weirdo. Dahil marami akong mga naoobserbahang mga Aussie na patuloy na nagpupunyagi para pagandahin ang bansa nila. Marami sa kanila ang hindi nag-papamilya agad at inuuna ang kapakanan ng iba. Marami sa kanila ang gustong manguna sa buong mundo sa larangan ng sports, ng siyensiya, ng ekonomiya, ng pulitika, ng teknolohiya, ng medisina, o sa iba pa mang disiplina. Mas uso dito ang maging eksperto na pinakamagaling sa buong mundo—kahit pa ikaw ay magsasaka. At hindi iyon weirdo para sa kanila. Bakit ba kailangang maging weirdo sa atin yun?
Bukas ako sa mga kuro-kuro ng kapwa kong Pinoy. Sigurado pa rin akong marami pa rin ang sasalungat sa akin at tatawagin akong weirdo. Pero ang gusto ko lang naman ay maranasan ng mas marami pang mga Pinoy na kababayan ko ang magandang buhay sa sarili nating lupang tinubuan, at hindi sa labas nito. Kung may mga kauri ako sa ganitong pangarap at hindi tinuturing na weirdo, aba eh di maganda yun. Pero kung tulad ko ay binabansagan ka ding weirdo, huwag kang mag-alala at makikinig pa rin ako sa iyo. Kung ang nag-uumapaw na pagmamahal sa kapakanan ng Pinoy at Pilipinas ay sasabihing weirdo, eh di sana mas dumami pa tayo.